Busy ang mga tao sa paghahanda sa gaganaping Lantern Parade na nangyayari lamang isang beses sa isang taon (malamang!). Pero hindi ako kasama sa ka-busy-hang ito dahil busy ako sa paghahanda sa pagu-usher ko sa isang play ng mga bata. Kailangan kasi ng pera. MAhirap ang buhay sa kasalukuyan. Imbes na mag-enjoy ako sa panonood ng mga naggagandahang parol na ginawa ng mga estudyante, ako ay nahihirapan sa kasisita at kababantay sa mga manonood na mga pasaway na kumukuha ng video sa kalagitnaan ng play. Gabi na nang matapos ang play at kasabay noon ay maririnig mo ang mga paputok mula sa parada.
Kinabukasan ay dali-dali akong umuwi upang makita ang aking ama na matagal ko ng hindi nakakapiling dahil ako ay nag-aaral sa malayong lugar (in relation sa bahay namin). MAsaya at sabik ako sa pag-uwi nang aking madatnan ang aking lola, na siyang nagmahal at nag-aruga sa akin simula ng ako’y bata pa, na nakahimlay sa malaking puting metal na kahon. Ang daming ilaw. Makikita ang mga bulaklak sa tabi ng kanyang kinahihimlayan. Hindi ko napigilang umiyak.